Sa katatapos na Gawad Tsanselor 2024, ibinahagi ni о Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na “nawa ang paglagong ating inaasam ay magsilbing hamon at inspirasyon sa atin.”
Aniya, ito ay isang hamon “sapagkat kinakailangan nating magpatuloy hangga’t mayroong Pilipinong dumaranas ng hindi patas na pagtrato sa lipunan; isang hamong magpapaalala sa atin na ang paglago ay isang patunay ng presensiya ng buhay, ng pagkilos, ng pag-unlad.”
Isa rin itong inspirasyon “sapagkat pinag-aalab nito ang ating damdamin upang lalo nating pagbutihin ang ating mga ginagawa; isang inspirasyong magpapalakas ng ating loob tuwing tayo ay humaharap sa matitinding pagsubok at balakid,” saad ni Vistan.
Ang hangaring ito ay bunsod ng tema ng Gawad Tsanselor 2024 na ô.
Sinabi ni Vistan na kailangan ng Unibersidad ng inspirasyon sa panahong ito na nakararanas ng mga hamong mistulang nag-uudyok na maglipat.
“Ang mga hamong dala ng climate change, ang mga geo-political conflict na ating nararanasan at nararanasan din sa iba’t ibang parte ng mundo, at ang mga pagbabagong dala at dadalhin ng mga teknolohiya tulad ng artificial intelligence, ay ilan lamang sa mga bagay na tinutulak tayo na magsagawa na naman ng nararapat na paglipat… o pagbabago ng mga pananaw o ng mga pamamaraan,” ani Vistan.
Sa kaniyang pananaw, mas mahirap ang paglipat o pagbabagong hinihingi ng panahong ito. Ngunit, malaki rin ang kaniyang tiwala na makakayanan ito ng Unibersidad dahil sa mga ipinamalas na kakayanan ng mga miyembro ng komunidad ng UPD, at kabilang dito ang mga pinarangalan sa Gawad Tsanselor 2024.
Ayon kay Vistan, sila ay “kinakitaan ng paglago sa kani-kanilang larangan. Sila naman ang hahamon sa bawat isa sa atin at magbibigay ng inspirasyon upang makamtan natin ang ating mga mithiin.”
Pinarangalan sa Gawad Tsanselor ng taong ito ang 15 indibidwal at dalawang programang pang-ekstensiyon.
Sa mga indibidwal na karangalan, lima ang nagkamit ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mag-aaral (Natatanging Mag-aaral), tatlo para sa Gawad Tsanselor para sa Natatanging Kawani (Natatanging Kawani), dalawa para sa Gawad Tsanselor para sa Natatanging REPS / Research, Extension, and Professional Staff (Natatanging REPS), isa para sa Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino (Natatanging Mananaliksik sa Filipino), at apat para sa Gawad Tsanselor para sa Natatanging Guro (Natatanging Guro). Dalawa naman ang nakatanggap ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Programang Pang-ekstensiyon (Natatanging Programang Pang-ekstensiyon).
Ang lahat ng ginawaran sa Gawad Tsanselor 2024 ay tumanggap ng medalyon, tropeo, at salaping gantimpala.
Ang mga pinarangalan ng Natatanging Mag-aaral ay sina Lovely L. Andeo ng Pambansang Linangan ng Pisika (National Institute of Physics / NIP), Mark Anthony S. Angeles ng Cesar E.A. Virata Paaralan ng Pagnenegosyo (Cesar E.A. Virata School of Business / VSB), Juanquine Carlo R. Castro ng Pambansang Kolehiyo ng Administrasyong Pangmadla at Pamamahala, Ron Simon B. Lomibao ng VSB, at Dexter Arvin E. Yang ng Kolehiyo ng Batas.
Tinanggap nila ang kanilang mga gantimpala mula kina Vistan, Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Jerwin F. Agpaoa, at Tagapamahalang Opisyal ng Opisina ng Pabahay para sa Mag-aaral Marielle H. Zosa, kinatawan ng Search Committee para sa Natatanging Mag-aaral.
Para naman sa Natatanging Kawani, pinarangalan ang yumaong si Rojerich A. Buen ng Pambansang Linangan sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo ng Agham at Matematika (National Institute for Science and Mathematics Education Development / NISMED), at sina Hazzelyn Joy C. De Ocampo ng Opisina sa Pagpapaunlad ng Yamang-Tao at Jacob S. Obinguar ng Opisina ng Rehistrador.
Ginantimpalaan sila nina Vistan, Bise Tsanselor para sa Administrasyon Adeline A. Pacia, at Administrative Officer ng Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu) Eva G. Cadiz, kinatawan ng Search Committee para sa Natatanging Kawani.
Tinanggap naman nina Joel I. Ballesteros ng Linangan ng Kemistri at Monalisa T. Sasing, PhD ng NISMED ang parangal na Natatanging REPS at kanilang mga gantimpala mula kina Vistan, Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad Carl Michael F. Odulio, at Sharon Maria S. Esposo-Betan, head librarian ng Aklatan ng Kolehiyo ng Inhenyeriya (College of Engineering / COE), kinatawan ng Search Committee para sa Natatanging REPS.
Ang pinarangalan ng Natatanging Mananaliksik sa Filipino ay si Raul C. Navarro, PhD ng CMu. Tinanggap niya ang kaniyang mga gantimpala mula kina Vistan, Odulio, at Esposo-Betan bilang kinatawan ng Search Committee para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino.
Ang mga pinarangalan naman ng Natatanging Guro ay sina Eden May B. Dela Peña, PhD ng COE, Jocelyn Timbol-Guadalupe, PhD ng CMu, Michael Francis Ian G. Vega, PhD ng NIP, at Dayang Magdalena Nirvana T. Yraola, PhD ng Kolehiyo ng Sining Biswal.
Tinanggap nila ang kanilang mga gantimpala mula kay Vistan kasama sina Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Maria Vanessa Lusung-Oyzon, at Direktor ng Opisina para sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo Ivy D. Suan, kinatawan ng Search Committee para sa Natatanging Guro.
Iginawad naman sa National Academic Research Fleet ng Linangan ng Agham Pandagat, at sa Communities of Practice for Entrepreneurship ng Linangan ng Maliliit na Industriya ang Natatanging Programang Pang-ekstensiyon.
Tinanggap nila ang kanilang mga gantimpala mula kina Vistan, Odulio, at Esposo-Betan, kinatawan ng Search Committee para sa Natatanging Programang Pang-ekstensiyon.
Samantala, inalala rin ng UPD ang halos 30 sa mga namayapa nitong mga kasamahan sa unang bahagi ng palatuntunan, ang Pag-alaala.
“Ang kanilang dangal, husay, at paglilingkod bilang bahagi ng ating komunidad sa UPD ay hindi kailanman mawawaglit,” ayon kay Bise Tsanselor para sa Pagpaplano at Pagpapaunlad Raquel B. Florendo.
Sa pagtatapos ng palatuntunan, pinasalamatan ni Lusung-Oyzon ang mga naging punong-abala sa isang linggong pagdiriwang ng parangal, kabilang si Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad Roehl L. Jamon na nanguna sa palatuntunang pagbubukas ng Linggo ng Parangal.
Hinimok din niya ang mga dumalo na magsilbing inspirasyon ang mga ipinamalas ng lahat ng mga nakatanggap ng Gawad Tsanselor at magpatuloy “sa pagtindig [sa katotohanan] at pakikibaka sa mga hamong ating kinakaharap, at sa sama-samang pagkilos para sa lalong ikalalago ng UPD.”
Ang Gawad Tsanselor 2024 ay ginanap noong Hunyo 21 sa awditoryum ng Linangan ng Biyolohiya.